ANG AMA
Salin ni Mauro R. Avena
Salin ni Mauro R. Avena
Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga
bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa alaala ng isang lasing na suntok sa
bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang araw sa labi. Ang
pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa'y inuuwi ng ama - malaking supot ng
mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang
niya ang iniuuwing pagkain ng ama, lamang ay napakarami nito upang maubos niya
nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kangina
pa aali-aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng
kaniya-kaniyang parte ang lahat - kahit ito'y sansubo lang ng masarap na
pagkain , sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat,
at ni katiting ay walang maiiwan sa maliliit.
Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang
lalaki, dose anyos, at isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na
payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala ang
ina, upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki, kambal, na
nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos at isang dos anyos na paslit
pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng marapat niyang parte sa mga
pinag-aagawan.
Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa
sila ng ama ng kaluwagang-palad nito - sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng
dalawang supot na puno ng pansit guisado, at masaya nilang pinagsaluhan ang
pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila'y masayang nakiupo sa
kanila't kumain ng kaunti.
Pero hindi na naulit ang masayang okasyong ito, at ngayo'y hindi
nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang katunaya'y ipinapalagay ng mga batang mapalad
sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang ina. Sa kabila niyo'y
umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa gabi ng ama, naninipat
ang mga matang titingnan nila kung may brown na supot na nakabitin sa tali sa
mga daliri nito. Kung umuuwi itong pasigaw-sigaw at padabug-dabog, tiyak na
walang pagkain, at ang mga bata'y magsisiksikan, takot na anumang ingay na gawa
nila ay makainis sa ama at umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na
dumapo sa kanilang mukha. Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas
iyong marinig ng mga bata na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan
ang mga pisngi at mata niyon ay mamamaga, kaya't mahihiya itong lumabas upang
maglaba sa malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi
ang maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa
at ninenerbiyos na pagtawa at malakas na bulalas na pag-ungol mula sa kanilang
ama at sila'y magtatanong kung ano ang ginagawa nito.
Kapag umuuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa
dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila'y si Mui Mui,
otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay madalas kainisan
ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib sa galis na
nagkalat sa kanyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang mga paste, gayong
pauli-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang nakakainis talaga ay ang
kanyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay tunatagal ng ilang oras, habang
siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay, namamaluktot ng pahiga sa
banig kasama ang ibang mga bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa kanya ang
pinakamatandang lalaki at babae, na malakas siyang irereklamo sa ina na
pagagalitan naman siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama,
napapaligiran ng bote ng beer na nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na
hindi humalinghing si Mui Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay parang
kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito'y nakakabulahaw na sisigaw,
at kung hindi pa iyon huminto, ito'y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon
ng buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na
sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng kanyang kabuwisitan.
Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil
nasisante sa kanyang trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng isang
mahaabang halinghing at di mapatahan ng dalawang pinakamatandang bata gayung
binalaan nilang papaluin ito. Walang anu-ano, ang kamao ng ama ay bumagsak sa
nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung saan ito
nanatiling walang kagalaw-galaw. Mabilis na naglabasan ng bahay ang ibang mga
bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa pamamagitan ng malamig
na tubig.
Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang
ina lamang ang umiyak habang ang bangkay ay inihahandang ilibing sa sementeryo
ng nayon may isang kilometro ang layo doon sa tabi ng gulod. Ilan sa taga-nayon
na nakakatanda sa sakiting bata ay dumating upang makiramay. Sa ama na buong
araw na nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay dahil alam
nilang nawalan ito ng trabaho. Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit
niya itong inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa sarili, ay
nagsimulang humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay
madaling nakarating sa kanyang amo, isang matigas ang loob pero mabait na tao,
na noon di'y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng kanyang asawa at
mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng sariling pakikiramay,
kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes
sa lalaki mismo). Nang makita niya ang dati niyang amo at marinig ang magaganda
nitong sinabi bilang pakikiramay sa pagkamatay ng kanyang anak, ang lalaki ay
napaiyak at kinailangang muling libangin.
Ngayo'y naging napakalawak ang kanyang awa sa sarili bilang
isang malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang wala-sa-panahong pagkamatay
ng kanyang dugo at laman. Mula sa kanyang awa sa sarili ay bumulwak ang wagas
na pagmamahal sa patay na bata, kaya't madalamhati siyang nagtatawag,
"Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!" Nakita niya ito sa
libingan sa tabi ng gulod - payat, maputla, at napakaliit - at ang mga alon ng
lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga balikat at brasong
kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng mga kapit-bahay, na
ang iba'y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong, "Maaring
lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang bata".
Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kanyang mga luha at saka
tumayo. Mayroong siyang naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang ama.
Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kanyang amo sa asawa (na kiming
iniabot naman ito agad sa kanya, tulad ng nararapat). Binilang niya ang
papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastahin sa alak. Hindi na
kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng mga
bata. Saan kayo pupunta, tanong nila. Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito
sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi itong dalang muli ang mga
bote ng beer.
Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama. May bitbit itong
malaking supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag nito ang dala sa
mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero iyon ba'y kahon
ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. Mayroong supot ng ubas at isang kahon
yata ng biskwit;. Nagtaka ang mga bata kung ano nga ang laman niyon. Sabi ng
pinakamatandang lalaki'y biskwit; nakakita na siyang maraming kahon tulad niyon
sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae ay
kendi, 'yong katulad ng minsa'y ibinigay nila ni Lau Soh, na nakatira doon sa
malaking bahay na pinaglalabhan ng nanay. Ang kambal ay nagkasiya sa pangdidilat
at pagngisi sa pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya't
nagtalo at nanghula ang mga bata. Takot na hipuin ang yaman na walang senyas sa
ama. Inip silang lumabas ito ng kanyang kwarto.
Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at
dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas na nagpapahintulot sa mga batang
ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang malaking supot
at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang yaman na wari'y
kanila na sana, nagbulingan ang dalawang pinakamatanda nang matiyak na hindi
sila maririnig ng ama. "Tingnan natin kung saan siya pupunta."
Nagpumilit na sumama ang kambal at ang apat ay sumunod nang malayu-layo sa ama.
Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at sisigawang bumalik sa
baha, pero ngayo'y nasa isang bagay lamang ang isip nito at hindi man lang sila
napuna.
Dumating ito sa libingan sa tabing-gulod. Kahuhukay pa lamang ng
puntod na kaniyang hinintuan. Lumuhod at dinukot ang mga laman ng supot na
dahan-dahang inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita,
"Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang
mga ito. Sana'y tanggapin mo." Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak,
habang nagmamasid sa pinagkukublihang mga halaman ang mga bata. Madilim na ang
langit at ang maitim na ulap ay nagbabantang mapunit anumang saglit, pero
patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan sa katawan ang basang
kamisadentro. Sa isang iglap, ang kanina pang inip na inip na mga bata ay dumagsa
sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking bahagi niyon, pero sa natira sa kanilang
nailigtas nagsalu-salo sila tulad sa isang piging na alam nilang di nila
mararanasang muli.
No comments:
Post a Comment