CUPID AT PSYCHE (Mitolohiya)
Noong unang
panahon, may hari na may tatlong magagandang anak na babae. Ang pinakamaganda
sa tatlo ang bunsong si Psyche. Labis siyang hinahangaan at sinasamba ng
kalalakihan. Sinasabi nilang kahit si Venus, ang diyosa ng kagandahan, ay hindi
makapapantay sa ganda nito. Nalimot na rin ng kalalakihan na magbigay ng
alay at magpuri sa diyosa. Gayundin, ang kaniyang templo ay wala nang mga alay,
naging marumi, at unti-unti nang nasisira. Lahat ng papuri’t karangalang dapat
sa kaniya ay napunta na lahat sa isang mortal. Nagalit si Venus at
inutusan niya si Cupid, ang kaniyang anak upang paibigin si Psyche sa isang
nakatatakot na nilalang. Hindi na niya naisip ang maaaring maidulot ng
kagandahan ng dalaga sa kaniyang anak. Agad tumalima si Cupid at hinanap ang
nasabing babae. Umibig siya kay Psyche nang nasilayan niya ang kagandahan ng
dalaga. Tila ba napana niya ang kaniyang sariling puso.
Nang makauwi si
Cupid, inilihim niya sa kaniyang ina ang nangyari. Labis namang nagtitiwala si
Venus at hindi na rin nito inusisa ang anak. Nanabik ang diyosa ng kagandahan
sa kahihinatnan ng buhay ni Psyche.
Gayunman, hindi
naganap ang inaasahan ni Venus. Hindi umibig si Psyche sa isang nakatatakot na
nilalang o kahit kanino. Ang isa pang nakapagtataka ay walang umiibig sa
kaniya. Kontento nang pagmasdan at sambahin siya ng mga lalaki subalit hindi
ang ibigin siya. Ang kaniyang dalawang kapatid na malayo ang hitsura sa taglay
niyang kagandahan ay nakapag-asawa na ng hari at namumuhay nang masaya sa
kani-kaniyang palasyo. Naging malungkot si Psyche sa kaniyang pag-iisa. Tila
walang nais magmahal sa kaniya.
Nabahala ang
magulang ni Psyche. Naglakbay ang haring ama ni Psyche upang humingi ng tulong
kay Apollo. Hiniling niyang payuhan siya ni Apollo kung paano makahahanap ng
mabuting lalaking iibig sa kaniyang anak. Lingid sa kaalaman ng hari naunang
humingi ng tulong si Cupid kay Apollo. Sinabi niya ang kaniyang sitwasyon
at nagmakaawang tulungan siya. Kaya sinabi ni Apollo sa hari na
makapangangasawa si Psyche ng isang nakakatakot na nilalang. Pinayuhan niya ang
hari na bihisan ng pamburol si Psyche, dalhin siya sa tuktok ng bundok at iwan
nang mag-isa. Doon ay susunduin siya ng kaniyang mapapangasawa na isang
halimaw, isang ahas na may pakpak.
Labis na kalumbayan
ang baon ng hari sa kaniyang pagbabalik sa palasyo subalit agad pa rin siyang
tumalima sa payo ni Apollo. Ipinag-utos niyang bihisan si Psyche ng
pinakamaganda niyang damit. Pagkatapos mabihisan si Psyche, ipinabuhat ng hari
ang anak na parang ihahatid sa kaniyang libingan papunta sa tuktok ng
bundok. Habang naglalakbay sila, nagluluksa ang lahat sa maaaring mangyari kay
Psyche. Sa kabila naman ng mabigat na sitwasyon, buong tapang na hinarap ng
dalaga ang kaniyang kapalaran. “Dapat noon pa ay iniyakan na ninyo ako. Ang
taglay kong kagandahan ang sanhi ng panibugho ng langit,” sumbat niya sa
kaniyang ama. Pagkatapos nito ay pinaalis na ni Psyche ang kaniyang mga kasama
at sinabing masaya niyang haharapin ang kaniyang katapusan.
Naghintay si Psyche
habang unti-unting nilalamon ng dilim ang buong bundok. Takot na takot siya
sapagkat hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kaniya. Patuloy siyang
tumatangis at nanginginig sa takot hanggang sa dumating ang malambing na ihip
ng hangin ni Zephyr. Inilipad siya nito at inilapag sa isang damuhang parang na
kasinlambot ng kama at pinahalimuyak ng mababangong bulaklak. Napakapayapa ng
lugar na tila nawala ang lahat ng kaniyang kalungkutan. Nakatulog siya sa
kapayapaan ng gabi. Nang magising si Psyche sa tabi ng ilog, natanaw niya sa
pampang nito ang isang mansiyon na parang ipinatayo para sa mga diyos.
Nagmasid-masid siya at labis ang kaniyang pagkamangha sa kagandahan nito. Yari
sa pilak at ginto ang mga haligi, at ang sahig ay napalamutian ng mga hiyas.
Nag-aalinlangan niyang buksan ang pinto subalit may tinig na nangusap sa
kaniya. “Pumasok ka, para sa iyo ang mansiyong ito. Maligo ka, magbihis, at
ihahanda namin ang piging para sa iyo. Kami ang iyong mga alipin,” wika ng mga
tinig.
Nalibang si Psyche
sa mansiyon, kumain siya ng masasarap na pagkain. Buong araw siyang inaliw ng
mga musika ng lira at ng mga awitin ng koro na hindi niya nakikita. Maliban sa
mga tinig na kaniyang mga kasama, nag-iisa siya sa mansiyon. Subalit sa hindi
maipaliwanag na dahilan, batid niyang sa pagsapit ng gabi ay darating ang
kaniyang mapapangasawa. Lumipas ang maghapon nang hindi niya namamalayan.
Pagsapit ng gabi nangyari nga ang inaasahan niya. Naramdaman niya ang pagdating
ng lalaki. Tulad ng mga tinig hindi niya ito nakikita. Bumulong ang lalaki sa
kaniyang tainga. Nang marinig niya ang tinig ng lalaki, nawala ang lahat ng
takot na kaniyang nararamdaman. Sa kaniyang paniniwala, hindi halimaw ang
lalaki kundi isang mangingibig at asawang matagal na niyang hinihintay.
Isang gabi ay
kinausap siya nang masinsinan ng lalaki. Binalaan siyang may panganib na
darating sa pamamagitan ng dalawa niyang kapatid. “Darating ang iyong mga
kapatid upang magluksa sa lugar kung saan ka nila iniwan,” wika ng asawa.
“Subalit huwag na huwag kang magpapakita sa kanila sapagkat magbubunga ito ng
matinding kalungkutan sa akin at kasiraan sa iyo,” habilin ng lalaki. Nangako
naman si Psyche na tatalima sa kagustuhan ng asawa.
Kinabukasan, narinig
ni Psyche ang panangis ng kaniyang mga kapatid. Labis na naantig ang kaniyang
damdamin sa kanilang pagluluksa. Nais niyang ibsan ang kanilang kalungkutan at
patahanin sila sa pag-iyak. Hanggang sa maging siya ay umiiyak na rin.
Kinagabihan ay inabutan pa siya ng kaniyang asawa na umiiyak. Sinabi ng lalaki
na maaari na niyang makita ang kaniyang mga kapatid subalit mahigpit pa rin ang
kaniyang babala. “Sige gawin mo ang iyong nais subalit parang hinahanap mo ang
sarili mong kapahamakan,” wika ng lalaki. Pinayuhan siya nang masinsinan na
huwag siyang pabubuyo kaninuman na subuking sulyapan ang mukha ng lalaki. Kung
mangyayari ito, magdurusa si Psyche sa pagkakawalay sa kaniya. “Nanaisin kong
mamatay nang isandaang beses kaysa mabuhay nang wala ka sa aking piling.
Pagbigyan mo lang ang kaligayahan kong muling makapiling ang aking mga
kapatid,” buong pagmamakaawang hiling ni Psyche. Malungkot na sumang-ayon ang
lalaki.
Kinaumagahan,
inihatid ng ihip ng hangin ni Zephyr ang dalawang kapatid ni Psyche. Hindi
magkamayaw sa iyakan at yakapan ang magkakapatid. Walang mapagsidlan ang
nag-uumapaw nilang kaligayahan. Nang pumasok na sila sa mansiyon labis na
pagkamangha ang naramdaman ng magkapatid. Sila ay nakatira sa palasyo subalit
walang kasingganda ang mansiyon na ito. Nag-usisa sila kung sino ang
napangasawa ni Psyche. Tulad ng kaniyang ipinangako inilihim ni Psyche ang
tunay na pagkatao ng asawa. Nang matapos na ang pagdalaw ng kaniyang mga
kapatid, dumakot si Psyche ng mga ginto at hiyas upang ibigay sa kaniyang mga
kapatid. Ipinahatid niyang muli ang mga kapatid kay Zephyr. Labis na
pangingimbulo ang naramdaman ng mga ate ni Psyche sa kaniya. Ang kanilang
kayamanan ay hindi maihahambing sa kayamanang kanilang nakita sa tahanan ni
Psyche. Binalot nang labis na inggit ang kanilang puso na humantong sa
pagpaplano nila ng ikapapahamak ng kanilang bunsong kapatid.
Noong gabi ring
iyon, muling kinausap ng lalaki si Psyche. Nagmakaawa siyang huwag na
muling patuluyin sa kanilang tahanan ang kaniyang mga kapatid. “Tandaan mong
hindi mo na ako makikitang muli kapag binali mo ang iyong pangako,” masidhing
paalala ng kaniyang asawa. “Bawal na kitang makita, pati ba naman ang mga mahal
kong kapatid?” pagmamaktol na sumbat ni Pysche. Muling pinagbigyan ng lalaki
ang asawa na makita ang kaniyang mga kapatid.
Kinabukasan, muling
dumalaw ang dalawang kapatid na may nabuo nang malagim na balak sa kanilang
bunsong kapatid. Nag-usisa sila nang nag-usisa hanggang malito na si Psyche sa
kaniyang mga pagsisinungaling. Napilitan siyang sabihin ang katotohanang bawal
niyang makita ang mukha ng kaniyang asawa at hindi niya alam ang anyo nito.
Ikinumpisal ng magkapatid na alam na nila noon pa
na ang asawa ni Psyche ay isang
halimaw batay sa sinabi ng orakulo ni Apollo.
Nagsisisi sila kung
bakit nila ito inilihim kay Psyche. Binuyo nila si Psyche na dapat na niyang
malaman ang katotohanan bago mahuli ang lahat. Mabait lamang daw ang kaniyang
asawa ngayon subalit darating ang araw na siya ay kakainin nito.Takot ang
nangibabaw sa puso ni Psyche sa halip na pagmamahal. Ngayon lamang niya
napagtagni-tagni ang katanungan sa kaniyang isip. Kaya pala pinagbabawalan
siyang makita ang hitsura ng kaniyang asawa sapagkat halimaw ito. At kung hindi
man ito halimaw, bakit ito hindi nagpapakita sa liwanag? Magkahalong takot at
pagkalito ang naramdaman ni Psyche. Humingi siya ng payo sa kaniyang kapatid.
Isinagawa na ng nakatatandang mga kapatid ang masama nilang balak. Pinayuhan
nila si Psyche na magtago ng punyal at lampara sa kaniyang silid. Kapag
natutulog na ang kaniyang asawa sindihan niya ang lampara at buong tapang
niyang itarak ang punyal sa dibdib ng asawa. Humingi lamang daw si Psyche ng
tulong at nasa di kalayuan lamang ang dalawa. Kapag napatay na ni Psyche ang
asawa sasamahan siya ng kaniyang mga kapatid sa pagtakas. Iniwan nila si Psyche
na litong-lito. Mahal na mahal niya ang kaniyang asawa subalit paano kung
halimaw nga ito? Nabuo ang isang desisyon sa kaniya. Kailangan niyang makita
ang hitsura ng kaniyang asawa.
Sa wakas, nang
mahimbing nang natutulog ang lalaki, patiyad na naglakad si Psyche patungo sa
pinaglagyan niya ng punyal at lampara. Kinuha niya ang mga ito. Sinindihan niya
ang lampara. Dahan-dahan siyang lumapit sa kaniyang asawa. Laking ginhawa at
kaligayahan ang nag-uumapaw sa kaniyang puso nang masilayan niya sa unang
pagkakataon ang hitsura ng kaniyang asawa. Hindi halimaw ang kaniyang nakita
kundi pinakaguwapong nilalang sa mundo. Nang madapuan ng liwanag ang kagandahan
ng lalaki ay tila ba mas lalong tumingkad ang liwanag ng lampara. Sa labis na
kahihiyan at kawalan ng pagtitiwala, lumuhod siya at binalak na saksakin ang
sarili. Nang akma na niyang itatarak ang punyal sa kaniyang dibdib, nanginig
ang kaniyang kamay, at nahulog ang punyal. Ang panginginig ng kaniyang kamay ay
kapwa nagligtas at nagtaksil sa kaniya. Sa pagnanais niyang pagmasdan pa ang
kaguwapuhan ng kaniyang asawa, inilapit niya ang lampara at natuluan ng mainit
na langis ang balikat nito. Nagising ang lalaki at natuklasan ang kaniyang
pagtataksil. Lumisan ang lalaki nang hindi nagsasalita.
Sinundan ni Psyche
ang asawa subalit paglabas niya, hindi na niya nakita ang lalaki. Narinig na
lamang niya ang tinig ng asawa. Ipinaliwanag nito kung sino siyang
talaga. “ Hindi mabubuhay ang pag-ibig kung walang tiwala,” wika niya bago
tuluyang lumipad papalayo. “Si Cupid, ang diyos ng pag-ibig!” ang naisip ni
Psyche. “ Siya ang asawa ko. Ako na isang hamak lamang ay hindi tumupad sa
aking pangako sa kaniya.
Mawawala na nga ba
siya sa akin nang tuluyan?” wika niya sa kaniyang sarili. Inipon niya ang lahat
ng nalalabi niyang lakas at nagwikang “Ibubuhos ko ang bawat patak ng aking
buhay upang hanapin siya. Kung wala na siyang natitirang pagmamahal sa akin, maipakikita
ko sa kaniya kung gaano ko siya kamahal.” At sinimulan ni Psyche ang kaniyang
paglalakbay.
Sa kabilang banda,
umuwi si Cupid sa kaniyang ina upang pagalingin ang kaniyang sugat. Isinalaysay
niya sa kaniyang ina ang nangyari. Nagpupuyos sa galit si Venus at lalong
sumidhi ang pagseselos niya kay Psyche. Iniwan niya si Cupid nang hindi man
lang tinulungang gamutin ang sugat nito. Determinado si Venus na ipakita kay
Psyche kung paano magalit ang isang diyosa kapag hindi nasiyahan sa isang
mortal.
Patuloy na
naglakbay si Psyche at pinipilit na makuha ang panig ng mga diyos. Siya ay
palagiang nag-aalay ng marubdob na panalangin sa mga diyos subalit wala sa
kanila ang nais maging kaaway si Venus. Nararamdaman ni Psyche na wala siyang
pag-asa sa lupa o sa langit man. Kaya minabuti niyang magtungo sa kaharian ni
Venus at ialay ang kaniyang sarili na maging isang alipin. Sa ganitong paraan
ay umaasa siyang lalambot din ang puso ni Venus at huhupa rin ang kaniyang
galit. Nagbabakasakali rin siyang naroon sa kaniyang ina si Cupid. Sinimulan na
niya ang paglalakbay.
Nang dumating si
Psyche sa palasyo ni Venus, humalakhak nang malakas ang diyosa. Pakutya niyang
tinanong si Psyche, “Nagpunta ka ba rito upang maghanap ng mapapangasawa? Tiyak
kong ang dati mong asawa ay wala nang pakialam sa iyo, sapagkat muntik na
siyang mamatay dahil sa natamong sugat mula sa kumukulong langis na dulot mo.
Isa kang kasumpa-sumpang nilalang. Kailanman ay hindi ka magkakaroon ng asawa
kung hindi ka daraan sa butas ng karayom.” Sinabi ng diyosa na tutulungan niya
si Psyche sa pagsasanay. Ibinuhos niya sa harap ni Psyche ang isang malaking
lalagyan na puno ng iba’t ibang uri ng maliliit na butong pinaghalo-halo niya.
Inutusan niya si Pysche na bago dumilim dapat ay napagsama-sama na niya ang
magkakauring buto. Agad lumisan ang diyosa.
Tinitigan lamang ni
Psyche ang malaking tumpok ng mga buto. Napaka-imposible ng ipinagagawa sa
kaniya ng diyosa. Nasa ganitong pagmumuni si Psyche nang pagmasdan siya ng mga
langgam. Kung ang mga mortal at imortal ay hindi naaawa sa kaniya, hindi ang
maliliit na nilalang. Nagtawag ang mga langgam ng kanilang mga kasama at
sinimulan ang pagbubukod-bukod ng mga buto. Agad natapos ang gawain. Pagdating
ni Venus, hindi siya nasiyahan sa kaniyang nakita. Sinabi niyang hindi pa tapos
ang mga pagsubok ni Psyche. Binigyan niya si Psyche ng matigas na tinapay.
Sinabi rin ng diyosa na sa sahig siya matutulog. Inisip ng diyosa na kung
pahihirapan at gugutumin niya si Psyche mauubos rin ang nakaiinis nitong ganda.
Samantala, tiniyak ni Venus na hindi makalalabas si Cupid sa kaniyang
silid habang pinahihilom nito ang kaniyang sugat. Nasisiyahan si Venus sa
magandang takbo ng mga pangyayari.
Kinaumagahan, isang
mapanganib na pagsubok ang ipinagawa ni Venus kay Psyche. Pinakukuha niya si
Psyche ng gintong balahibo ng mga tupa sa tabi ng ilog. Ang mga tupa ay
mababangis at mapanganib. Nang marating ni Psyche ang ilog, natutukso siyang
tumalon at magpalunod na lamang upang matapos na ang kaniyang paghihirap.
Nakarinig siya ng tinig mula sa halamang nasa tabi ng ilog. “Huwag kang
magpapakamatay. Hindi naman ganoon kahirap ang ipinagagawa sa iyo. Kailangan mo
lang maghintay ng tamang panahon upang makakuha ng gintong balahibo ng tupa.
Pagsapit ng hapon ang lahat ng tupa mula sa malalabay na halamanan ay
magtutungo dito sa ilog upang magpahinga. Magtungo ka sa halamanan at doon ka
kumuha ng mga gintong balahibong nasabit sa mga sanga.” Sinunod ni Psyche ang
payo ng halamang nasa tabi ng ilog. Umuwi siya sa kaharian ni Venus na dala ang
mga gintong balahibo ng tupa.
“May tumulong sa
iyo!” sumbat ni Venus kay Psyche. “Hindi mo ginagawa nang mag-isa ang mga
pinagagawa ko sa iyo. Hindi bale, bibigyan kita ng pagkakataong patunayan na
sadyang mapagkunwari kang may mabuting puso at magaling.” Itinuro ni Venus sa
malayo ang itim na tubig ng talon. Binigyan niya si Psyche ng praskoat pupunuin
ito ng itim na tubig. Nagtungo si Psyche sa ilog ng Styx. Nakita niyang malalim
ang bangin at mabato. Tanging may pakpak lamang ang maaaring makaigib ng tubig.
Sa lahat ng kaniyang pagsubok, ito na ang pinakamapanganib. Tulad ng inaasahan
may tumulong kay Psyche. Isang agila ang dumagit sa praskong tangan ni Psyche
at lumipad malapit sa talon. Pagbalik ng agila, puno na ng itim na tubig ang
prasko.
Hindi pa rin
sumusuko si Venus sa pagpapahirap kay Psyche. Ayaw niyang magmukhang tanga sa
harap ng madla. Ipinagpatuloy niya ang pagpapahirap sa kawawang mortal.
Binigyan niya si Psyche ng isang kahon na paglalagyan niya ng kagandahang
kukunin ni Psyche mula kay Proserpine, ang reyna sa ilalim ng lupa. Inutos ni
Venus na sabihin ni Psyche na kailangan niya ito sapagkat napagod siya sa
pag-aalaga ng kaniyang anak na maysakit. Katulad ng mga nauna agad tumalima si
Psyche. Dala ang kahon, tinalunton niya ang daan papunta sa kaharian ni Hades.
Tinulungan siya ng
isang tore na nagbigay sa kaniya ng detalyadong hakbang patungo sa kaharian sa
ilalim ng lupa. Una, kailangan niyang pumasok sa isang butas na lagusan patungo
sa ilalim ng lupa sa tabi ng ilog ng kamatayan. Kailangan niyang sumakay sa
isang bangkang ang bangkero ay si Charon. Kailangan niyang bayaran ng pera si
Charon upang siya ay makatawid. Makikita na niya ang lansangan patungo sa
palasyo. Sa pintuan ng palasyo may nagbabantay na isang asong tatlong ulo.
Kapag binigyan ng cake ang aso ito ay magiging maamo at papayag nang magpapasok
sa palasyo.
Nagawa lahat ni Psyche ang
ipinaliwanag ng tore. Pinaunlakan din ni Proserpine ang kahilingan ni Venus. Agad
nakabalik si Psyche nang mas mabilis pa kaysa kaniyang pagbaba. Gayunman,
nasubok muli ang karupukan ni Psyche. Sa paghahangad niya ng karagdagang
kagandahan upang umibig muli si Cupid sa kaniya, natukso siyang kumuha ng
kaunting ganda sa loob ng kahon. Nang buksan niya ito, tila walang laman
subalit nakadama siya ng matinding panghihina at agad nakatulog.
Sa mga panahong ito
ay magaling na si Cupid. Sabik na siyang makita ang kaniyang asawa subalit
ibinilanggo siya ng kaniyang ina. Mahirap bihagin ang pagmamahal. Kaya humanap
si Cupid ng paraan upang makatakas. Nakita niya ang bukas na bintana at doon
siya nakatakas. Nahanap niya agad si Psyche malapit sa palasyo. Agad niyang
pinawi ang pagtulog ng asawa at agad sinilid ang gayuma sa kahon. Bahagya niyang
tinusok ng kaniyang busog si Psyche upang magising. Pinagalitan niyang muli ang
kaniyang asawa dahil sa pagiging mausisa nito na humantong muli sa
kaniyang kapahamakan. Sinabi niyang magtungo si Psyche sa kaniyang ina at
ibigay ang kahon. Dito na magtatapos ang pagpapahirap ng kaniyang ina.
Masayang nagtungo
si Psyche sa palasyo samantalang si Cupid naman ay lumipad patungo sa kaharian
ni Jupiter, ang diyos ng mga diyos at tao. Hiniling niya na tiyaking hindi na
sila gagambalain ng kaniyang ina. Pumayag si Jupiter.
Nagpatawag si
Jupiter ng pagpupulong ng mga diyos at diyosa kasama na si Venus. Ipinahayag
niya sa lahat na si Cupid at Psyche ay pormal nang ikinasal at wala nang
dapat gumambala sa kanila maging si Venus. Dinala ni Mercury si Psyche sa
kaharian ng mga diyos. Dito iniabot ni Jupiter kay Psyche ang ambrosia , ang
pagkain ng mga diyos upang maging imortal. Naging panatag na rin si Venus na
maging manugang si Psyche sapagkat isa na itong diyosa. At kung maninirahan na
ang manugang sa kaharian ng mga diyos, hindi na muling makagagambala si Psyche
sa pagsamba ng tao kay Venus.
Ang pag-ibig
(Cupid), at kaluluwa (Psyche) ay nagkatagpo sa likod ng mapapait na pagsubok sa
kanilang pagsasama ay hindi na mabubuwag kailanman.
No comments:
Post a Comment